Lunes, Hulyo 16, 2012

LARAWAN ni Maricon G. Luna


             
                 Masayang tawanan, habulan at takbuhan ang aking natatanaw sa labas ng bintana. Masiglang ngiti sa labi ng mga batang nagtatakbuhan. May isang naglalakad na bata na mapapansin mong umiiyak at sugatan ang mga tuhod. Lalapitan siya ng kanyang mga kalaro at yayayain upang makilahok. Masaya ang batang babae sapagkata sa tingin niya ay may mga bagong kaibigan siyang muli.
                Bago umuwi ang mga naglalaro ay nagtungo sila sa isang photo shop na nasa gilid lamang ng bahay. Nagpakuha sila ng litrato at ang bawat bata ay may kanya-kanyang larawan.
                Habang ako’y masayang nakangiti sa panonood sa kanila, unti-unting naglalaho ang mga bata sa aking paningin. Mga tawanan na lamang ang naririnig. Ngunit sa kabila noon, muli kong nakita ang batang umiiyak. Nag-iisa at malungkot.Hawak ang larawan ng kanyang mga kalaro. Ano ang nangyayari? Bakit mag-isa na lamang ang batang iyon? Muli, tinitigan ko ang bata sa labas ng bintana. Tama! Hindi ako nagkakamali. Kamukha ko ang batang iyon. Ako ang batang umiiyak. Muling nawala ang imahe ng bata sa aking paningin.
                Tumulo ang aking mga luha. Isang magandang alaala iyon sa akin. Bagamat iniwan ako ng aking mga kalaro at nagtungo sa ibang lugar upang doon na manirahan, ang mga larawan ay nananatili sa aking piling. Ito ang nagbibigay sa akin ng saya sa oras na mararamdaman ko ang lungkot ng kanilang paglisan.

7 komento: